Resignation ni Miss Philippines-Earth Imelda Schweighart, tinanggap na ng organizers

 

Tinanggap na ng organizers ng Miss Philippines at Miss Earth ang voluntary resignation ni Miss Philippines-Earth Imelda Schweighart bago mag-alas sais ng gabi ng Lunes.

Nabuo ang desisyong ito nang pumunta si Schweighart at ang kaniyang inang si Annabeth Bautista kay Lorraine Schuck na executive vice president Ng Carousel Productions na organizer ng pageant. Nabahala umano si Bautista nang ulanin ng batikos mula sa mga netizens ang kaniyang anak na kandidata ng bansa sa katatapos na Miss Earth 2016.

Ito’y may kaugnayan sa kumakalat na video kung saan makikitang kausap ni Schweighart ang kaniyang mga taga-suporta habang sinisiraan Miss Ecuador Katherin Espin na siyang nanalo sa katatapos na beauty pageant.

Sa isang panayam naman, iginiit ni Schweighart na hindi siya bitter sa nanalong Miss Earth, ngunit siya ay na-offend dahil ipinagamit kay Espin ang gown na nakalaan para sa kaniya.

Nagulat na lang aniya siya na wala na sa kaniyang cubicle ang gown na isinukat talaga para sa kaniya, dahil katwiran aniya ng designer, hindi natapos gawin ang gown ni Espin.

Wala man lang aniyang nagpaliwanag sa kaniya ng pangyayari at wala man lang din aniyang nag-asikaso sa kaniya pagkatapos nito.

Humingi naman ng paumanhin si Schweighart sa kaniyang mga “unmindful statements,” at sinabing, “if it’s a crime to tell the truth, I’m sorry.”

Giit pa ng binibini, mismong si Espin ang nagsabi nito sa kaniya, pero sa tingin niya ay hindi naging maganda ang pagkakasabi niya tungkol dito.

Pakiramdam rin ni Schweighart na na-traydor siya dahil pribado dapat ang pagkakataong iyon na kaharap niya ang kaniyang mga taga-suporta pero may kumuha ng video at isinapubliko pa ito.

Read more...