Pilipinas at China wala pang kasunduan sa pangingisda sa WPS ayon kay Esperon

By Den Macaranas October 31, 2016 - 04:24 PM

china
Inquirer file photo

Nilinaw ng Department of National Defense na hindi pa rin tuluyang nililisan ng mga barko ng China ang Bajo de Masinloc.

Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na apat na barko ng Chinese Coast Guard ang namataan sa paligid ng Panatag Shoal sa nakaraang weekend.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na mula October 17 hanggang 27 ay may namonitor na ilang research ships at frigate (Navy ships) ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.

Kasabay ito ng pagbibigay ng pahintulot ng China na mangisda sa Panatag Shoal ang mga mangingisdang Pinoy pero sila’y binabantayan pa rin ng mga barko ng China.

Nilinaw rin ni Esperon na walang written agreement sa pagitan ng dalawang bansa na pinagpayagan ng China ang Pilipinas at ganun din naman ang Pilipinas sa China para mangisda doon ang kani-kanilang mga mamamalakaya.

Sa nakalipas na ilang araw ay sinabi ng mga mangingisdang Pinoy na nakabalik na sila sa West Philippine Sea nang hindi sinisita ng Chinese Coast Guard.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling makakabalik sa West Philippine Sea ang mga Pinoy makaraan siyang makipagpulong kay Chinese President Xi Jinping.

TAGS: bajo de masinloc, China, duterte, panatag, West Philippine Sea, Xi Jinping, bajo de masinloc, China, duterte, panatag, West Philippine Sea, Xi Jinping

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.