Ilang political prisoners, palalayain dahil sa ‘humanitarian reasons’

Photo from BAYAN/File

Nasa 50 mga political prisoners ang palalayain ng pamahalaan sa mga susunod na linggo.

Ito ay ayon mismo sa mga kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na anila’y bahagi ng nagpapatuloy na usaping pangkapayapaan sa pagitan nila at ng pamahalaan.

Ayon kay NDFP Consultant Wilma Tiamzon, sinusubukan ng pamahalaan na makapagpalaya ng nasa 50 political prisoners, at inaasahang hindi ito aabot ng Pasko.

Ayon naman sa isang source mula sa panel ng pamahalaan sa peace talks sa NDFP, palalayain ang mga nasabing political prisoners dahil sa mga humanitarian reasons.

Bubuuin kasi ito ng mga kababaihan, matatanda, may sakit at mga preso na mahigit 10 taon nang nakakulong.

Dagdag pa ng nasabing source, inaalam ng magkabilang panig ang lahat ng mga legalidad kaugnay sa pagpapalaya ng mga preso.

Pero nilinaw naman ni Benito Tiamzon na ang nasabing pagpapalaya sa mga political prisoners ay hiwalay pa sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigay ng amnesty sa mga rebelde, na kanilang pinanghahawakan.

 

Read more...