HONG KONG – Nag-protesta ang aabot sa 100 katao sa Hong Kong habang nakausot ng bra kabilang ang mga lalaki, bilang pagpapakita ng simpatya sa isang babaeng sinentensyahan ng tatlo at kalahating buwan na pagkakakulong dahil sa umano ay pag-atake sa isang police officer gamit ang kaniyang dibdib.
Nagsagawa ng tinawag nilang “breast walk” ang mga protesters sa labas ng police headquarters sa Wan Chai district na ang iba ay nakasuot ng bra at ang ilan ay may hawak-hawak na bra.
Isang retiradong guro na nakilalang si James Hon – 66 anyos ay lumahok din sa protesta at nagsuot ng kulay pink na bra na nakapatong sa kaniyang puting polo shirt. Ayon kay Hon, ito ang unang pagkakataon na nagsuot siya ng bra. Sigaw ng mga lumahok sa protesta, “Breasts are not weapons – give back our breast freedom” at “Shame on police”.
Noong Huwebes, ibinaba ang sintensya sa 30-anyos na si Ng Lai-ying sa kasong “assaulting a police officer” sa protestang isinagawa sa Hong Kong noong buwan ng Marso.
Guilty umano si Ng Lai-ying sa pananakit kay Chief Inspector Chan Ka-po nang dunggulin niya ang braso ng pulis gamit ang kaniyang dibdib.
Ayon naman kay Ng Cheuk-ling, ng Hong Kong Women’s Coalition on Equal Opportunities, isang malaking kalohan ang desisyon sa nasabing kaso. Nagtataka umano ang kanilang grupo kung paanong itinuring na weapon o armas ang dibdib./ Dona Dominguez-Cargullo