US, hindi dapat makialam sa isyu sa Panatag – CPP
Hindi dapat pakialaman ng Estados Unidos ang isyu ng teritoryo sa Panatag Shoal sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) kaugnay sa sinabi ng US State Department na pagsasagawa nila ng assessment sa mga ulat na pinayagan ng Chinese coast guard ang mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa Panatag Shoal.
Ayon sa CPP, wala sa posisyon ang US para magsagawa ng assessment kaugnay sa isyu sa nasabing lugar na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa pahayag kasi ni US State Department spokesperson Mark Toner, sinabi niya na sana ay hindi lang pansamantala ang ganitong hakbang ng China.
Umaasa rin aniya sila na isa na itong senyales na nagkakasundo na ang China at Pilipinas kaugnay sa isyu ng pangingisda sa Panatag Shoal, at na ito ay nakahanay sa inilabas na desisyon ng arbitral tribunal.
Bukod naman sa paninita sa US, binati rin ng CPP ang mga pamahalaan ng China at Pilipinas sa mapayapang pag-resolba ng usapin sa Panatag Shoal na dahilan kung bakit nakabalik na sa pangingisda doon ang mga Pilipino.
Kamakailan ay sinabi mismo ng Malacañang na hindi na hinaharangan ng mga Chinese coast guard ang mga Pilipino sa pangingisda sa Panatag Shoal na matagal nilang hindi nagawa dahil sa tensyon sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.