Nagpaalam na sa Philippine National Police (PNP) si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pormal na endorsement kay Roxas ni Pangulong Benigno Aquino III bilang presidential candidate ng Liberal Party para sa 2016 Elections.
Sa kaniyang talumpati sa flag-raising ceremony sa PNP headquarters kanina, nagpasalamat si Roxas sa tatlong taon na pagtitiwala sa kaniya ng mga pulis.“Mga kasama, gagamitin ko ang pagkakataon itong upang magpaalam na muna sa inyong lahat. Dapat ko munang ipaubaya ang pamumuno sa iba,” ayon kay Roxas.
Sinabi ni Roxas na ikinararangal niyang pagsilbihan ang pambansang pulisya.
Nagpatawag din ito ng general assembly sa DILG kasama ang National Police Commission (NAPOLCOM) para maglahad din ng pamamaalam.
Bagaman wala pang ‘formal resignation’ ngayong araw din ay may pagpupulong sa pagitan nina Aquino at Roxas para pag-usapan kung sino ang papalit sa kaniya bilang kalihim ng DILG.
Samantala, matapos ang flag raising ceremony kanina, pinagkalooban ng special service medals ni Roxas ang mga pulis na nagbigay ng seguridad sa kakatapos na State of the Nation Address ni Pangulong Aquino noong Hulyo 27.
Ginawaran naman ng Medalya ng Pambihirang Paglilingkod ang katatalaga lamang na si National Capital Region Police Office head Chief Superintendent Joel Pagdilao, gayundin si Chief Superintendent Allen Bantolo at Chief Superintendent Ramon Apolinario./ Jan Escosio, Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.