Lima ang nakikita ng isang political analyst na posibleng maglaban-laban sa pagka-Pangulo sa 2016 elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Professor Ramon Casiple, kabilang dito ang dalawa ng hayag sa kanilang kagustuhang tumakbong Presidente na sina Vice President Jejomar Binay at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas.
Ayon kay Casiple, ang iba pang malaki ang posibilidad na tumakbong Presidente sa 2016 elections ay sina Senator Grace Poe, Senator Bong Bong Marcos at ang panglima ay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
“Sa tingin ko tatlo o apat ang mga tatakbong Presidente, o pwedeng umabot ng lima. Si VP Binay, Mar Roxas, Grace Poe, Bongbong Marcos at posibleng maging panglima si Duterte,” ayon kay Casiple.
Sinabi rin ni Casiple na kaya wala pang tugon si Poe sa mga alok na siya ay maging running mate ay dahil ang pagka-Pangulo ang kaniyang tinatahak.
Sa ngayon sinabi ni Casiple na nasa proseso ngayon ng “matinding” paag-uusap at konsultasyon ang mga political party para makumpleto na ang kanilang line up.
Naniniwala din si Casiple na malaki ang epekto ng pagbaba ng trust rating ni Pangulong Aquino sa kaniyang endorsement power.
“Kung na-maintain sana niya (PNoy) ang 60 to 80 na trust ratings niya dati malakas talaga ang endorsement power niya. Pero ngayon, iilan na lang ang natitirang believers niya,” dagdag pa ni Casiple. / Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.