Nagdeklara na ng high alert ang Armed Forces of the Philippines para sa seguridad ng nalalapit na Undas.
Kasama ang Philippine National Police, sinabi ni AFP Chief General Ricardo Visaya na naatasan ang Joint Task Force NCR (JTF-NCR) at mga major service commander na paigtingin ang operasyon sa intelligence gathering para sa nasabing selebrasyon.
Bilang dagdag-pwersa, katuwang din sa nasabing preparasyon sa seguridad ang Philippine Army, Air Force at Navy.
Magiging aktibo din ang Joint Peace and Security Coordinating Council o JPSCC upang mapigilan ang mga posibleng threat ng mga criminal at terrorist group sa mga pupuntahan ng mga tao ngayong Undas tulad sa mga bus terminal, paliparan at pantalan.
Maliban dito, ikakalat din ang mga checkpoint sa iba’t ibang lugar kasama ang K9 at Explosive Ordinance Disposal teams.
Pinaalalahanan naman ni Interior Secretary Ismael Sueno ang mga lokal na opisyal na maghanda ng karagdagang law enforcers, mga barangay tanod at medical personnel para sa seguridad ngayong long weekend.
Sa ngayon, walang naitalang terrorist threat ang intelligence unit ng National Capital Region Police Office sa siyam na pu’t siyam na sementeryo at iba pang lugar sa Maynila.