Nakilala ang suspek na si Jerome Sosmeña, isang 31-anyos na residente ng Barrio Luz sa Cebu City na umano’y supplier ng iligal na droga sa mga miyembro ng nasawing drug lord na si Jeffrey “Jaguar” Diaz.
Ayon kay PDEA-Central Visayas director Yogi Filemon Ruiz, nakuha ang isang kilo ng shabu, timbangan at ilang resibo money transfer.
Nasabat rin ng mga pulis ang cellphone at motorsiklo ni Sosmeña.
Dagdag pa ni Ruiz, laging nasasabit ang pangalan ni Sosmeña sa tuwing may imbestigasyon tungkol sa iligal na droga bunsod ng mga serye ng mga pag-aresto na kanilang ginawa.
Isasagawa dapat ng mga otoridad ang buy-bust operation sa isang mall malapit sa seaport ng Cebu City, ngunit nagbago ang isip ni Sosmeña at sinabing sa Ayala Center Cebu na lamang siya makikipagkita.
Ani Ruiz, inakala siguro ni Sosmeña na ligtas siya sa loob ng nasabing mall, ngunit ang hindi aniya alam ng suspek ay nakipag-ugnayan na ang mga otoridad sa security officers ng mall para sa nasabing operasyon.
Base sa imbestigasyon, nakukuha ni Sosmeña ang kaniyang supply ng droga mula sa Muntinlupa City, at ngayong wala na ang ilang prominenteng nagbebenta ng iligal na droga, siya na ang nanguna sa bentahan.
Dahil sa pagkakaaresto ni Sosmeña, umaasa ang mga otoridad na mapipilayan ang operasyon ng iligal na droga.