Matapos ang apat na taon, nakauwi na sa bansa ang limang Pilipinong mandaragat na kabilang sa 26 na binihag ng mga Somali pirates.
Dumating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sina Arnel Balbero, Elmer Balbero, Ferdinand Dalit, Akes Edwas Jr., at Antonio Libres Jr., kung saan muli nilang nakita ang kanilang mga kapamilya.
Kasama ng mga Pilipino dumating ang mga Cambodian seafarers na kapwa nilang naging bihag, at pinayagan ang mga ito na pansamantalang manatili muna dito sa bansa hanggang sa sunduin sila ng mga kinatawan ng Cambodia.
Sinalubong silang lahat nina Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay at Cambodian Ambassador to the Philippines Tuot Panha.
Hindi pa naman matiyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung mayroong nagbayad ng ransom para mapalaya ang mga nasabing bihag.
Dinukot ang 26 na mandaragat noong 2012 sa Indian Ocean.