Sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang mga programa para sa mga motorista at pasaherong bibyahe para sa papalapit na Undas.
Inilunsad na ng DOTr ang kanilang “Oplan Ligtas Biyahe: Undas 2016” upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero na gagamit ng iba’t ibang uri ng transportasyon.
Sa ilalim ng nasabing oplan, inilagay ng DOTr ang kanilang mga kaugnay na ahensya sa heightened alert status sa kasagsagan ng panahon ng Undas.
Inatasan rin nila ang kanilang mga ahensya na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at na may sasagot sa mga hotlines.
Bahagi ng programang ito ang inspeksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kaligtasan ng mga bus.
Magde-deploy naman ng mga karagdagang tauhan ang Toll Regulatory Board (TRB) sa mga toll plazas upang tiyaking hindi humaba ang pila ng mga sasakyan.
Bumuo naman ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng management team na binubuo ng mga airport managers na personal na magbabantay sa operasyon tuwing peak days.
Pananatilihin naman ng Philippine National Railways ang kasalukuyang dami ng kanilang mga tren sa Metro Manila South Commuter at Bicol Commuter Services.
Babantayan namang maigi ng Maritime Industry Authority (Marina) ang lahat ng mga pampasaherong barko bago pa man ang nakatakdang departure nito para tiyaking masusunod lahat ng mga panuntunan lalo na ang “no overloading of passengers and cargo” policy.