Walang banta ng terorismo sa paggunita ng Undas – NCRPO

Kuha ni Louie Ligon
Kuha ni Louie Ligon

Walang namomonitor na banta ng terorismo ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila kaugnay sa paggunita ng Undas.

Ayon kay NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde, ang pag-iikot nila sa mga terminal ng bus ay bahagi ng paghahanda para matiyak ang seguridad ng mga pasaherong dadagsa at bibiyahe simula ngayong araw para umuwi sa mga lalawigan.

Kaugnay nito, inabisuhan ni Albayalde ang publiko na iwasan na ang pagdadala ng masyadong maraming gamit para hindi maabala dahil mahigpit ang ginagawang pag-iinspeksyon sa mga bag at kargamento.

Sa kabila nito, patuloy ang paalala ng PNP sa publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan kung walang maiiwan na miyembro ng pamilya.

Sa inilabas na “Iwas Akyat-Bahay Safety Tips” sinabi ng PNP na dapat tiyakin na ang mga iiwang bahay ay walang madaraanan para sa mga magnanakaw.

Ang mahahalagang gamit din ay dapat itagong mabuti at huwag iiwan sa labas ng bahay gaya ng mga bisikleta, motorsiklo o mga damit sa sampayan.

Hindi rin dapat naglalagay ng karatula sa labas ng bahay na nagsasabing “walang tao” at iwasan ang pagpost sa social media tungkol sa mga planong biyahe.

Sa ngayon nananatili sa full alert ang status ng NCRPO, at aabot na sa 7,000 pulis ang ipinakalat sa matataong lugar para sa Undas.

 

Read more...