Tatlo patay sa pananambang sa Pasay

 

Kuha ni Jong Manlapaz

Patay ang tatlong lalaki na magkaka-angkas sa motorsiklo matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Pasay City.

Alas 10:15 Huwebes ng gabi, nang maganap ang pamamaril sa harap ng isang gas station sa FB Harrison St., Pasay City

Kinilala mismo ng mga kaanak ang isa sa tatlong biktima na si Jakie Flores,  30 anyos na dati nang nakulong dahil sa kasong frustrated murder.

Kwento ng babaeng kapatid nito na si Jamil Flores, kaninang dakong alas 5:00 ng hapon ay inaresto ng mga nakasibilyan pulis ang biktimang si Jackie sa  F. Cruz, Malibay Pasay City, matapos itong maglaro ng ‘video karera’.

Mga miyembro umano ng Station Anti Illegal Drugs ng Pasay ang humuli sa kanyang kapatid.

Dakong alas 10:00 umano ng gabi nang huling makausap niya ang kanyang kapatid na pauwi na ito matapos palayain ng mga pulis, pero pagdating 10:30 PM,  nalaman na lamang nila na napatay na ito.

Naniniwala si Jamil Flores na wala aninyang  ibang papatay sa kanyang kapatid kundi mga pulis lamang .

Samantala, kinilala naman ang lalakeng isinugod sa ospital na si Christian Reyes alyas ‘Tak’ na kalaunan ay namatay na rin sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Patuloy pa na inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng pangatlong biktima.

Hindi bababa sa walong basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober sa crime scene.

 

 

Read more...