Abu Sayyaf, kumita umano ng higit P350 milyon sa kidnapping activities-AP

 

Umaabot umano sa P353 milyon o katumbas ng 7.3 milyong dolyar ang naibulsa ng bandidong Abu Sayyaf Group mula sa serye ng mga pagdukot sa loob lamang ng anim na buwan ng taong 2016.

Sa ulat ng Associated Press, malaking bahagi ng naturang pera ay nagmula sa ransom na ibinayad  para sa pagpapalaya ng 14 na Indonesian at apat na Malaysian crewmen na dinukot ng ASG at dinala sa Sulu.

P20 milyon din umano ang nakuha ng bandidong grupo sa pagdukot kay Marites Flor, na kasamang dinukot ng tatlong dayuhan noong nakaraang taon.

Lumilitaw din na bagamat naging epektibo ang mga opensiba ng militar laban sa bandidong grupo, hindi naman nito gaanong nabawasan ang bilang ng mga miyembro nito.

May kakayahan pa rin aniyang maglunsad ng mga pag-atake ang ASG dahil sa nanatiling buo pa rin ang grupo.

Ayon sa ulat, nagawa ng mga ito na maglunsad ng 32 bombing incidents sa unang bahagi ng 2016 na mas mataas kumpara sa naitala noong nakaraang taon.

Nagbago na rin ng stratehiya ang ASG na tinatarget na ngayon ang mga foreign-flagged na mga barko sa dagat.

Ang mga kinita umano ng ASG sa kanilang mga kidnap-for-ransom activities ang ginagamit ng mga ito upang makabili ng mga armas at bala.

Read more...