Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na opisyal lang nilang iimbestigahan ang Statement Of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag naihain na ang pormal na reklamo na suportado ng affidavit.
Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, sa ngayon ay vina-validate nila ang lahat ng mga SOCE na isinumite ng mga kandidato noong eleksyon bilang pangkaraniwang bahagi ng proseso.
Inilabas ni Jimenez ang pahayag na ito matapos lumabas ang mga ulat na sinimulan na nilang imbestigahan ang SOCE ni Duterte kaugnay sa umano’y hindi deklaradong kontribusyon ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Giit ni Jimenez, hindi lang ang kay Duterte, kundi lahat ng SOCE na isinumite sa kanila ang sinisiyasat nila ngayon.
Matatandaang sa isang talumpati ay sinabi ni Pangulong Duterte na isa si Marcos sa kaniyang mga campaign donors noong nagdaang eleksyon.
Ani Jimenez, hindi naman nila maaring imbestigahan ang SOCE ni Duterte base lamang sa pahayag nito, kaya masisimulan lamang nila ito kung may maghahain ng verified complaint.
Bukod dito, dapat ay suportado rin ito ng affidavit na magpapatunay na sinabi talaga ito ng pangulo.