59 dayuhan arestado sa Makati dahil sa iligal na droga at sugalan

By Alvin Barcelona October 27, 2016 - 04:27 AM

 

Kuha ni Alvin Barcelona

59 na dayuhan ang pinipigil ngayon ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office – Regional Anti-Illegal Drugs (NCRPO-RAID) sa operasyon na ginawa nito sa isang kumpanya na front ng online illigal gambling sa Makati City.

Kinilala ang isa sa mga hawak ng mga otoridad na si Zhang Hai long na may-ari ng Haoying Solutions na may opisina sa 6805 Ayala Ave. Multinational Bancorp Center building, Makati.

Kabilang sa mga nahuli ay mga 51 Chinese, 4 na Taiwanese, 4 na Singaporean at isang Hong Kong resident na pawang mga empleyado ng Haoying Solutions na natuklasan na front sa illegal online gambling.

Ang operasyon ay base sa impormasyon ng isang walk-in informant na ang sumbong ay pinagagamit ng may-ari ng kumpanya ng droga ang mga empleyado na nagta-trabaho ng 24-oras.

Ayon kay Sr. Supt. Eleazar Matta ng NCRPO intelligence, ang raid ay isinagawa sa bisa ng isang search warrant sa sumbong sa droga at aksidente lamang na natuklasan ang illegal gambling operation.

Natuklasan din na paso na ang business permit ng kompanya at mga tourist visa lamang ang hawak ng mga empleyado.

Narekober sa may-ari ay mga crystalline substance na pinaghihinalaang shabu at mga drug paraphernalia.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang may-ari, habang ang mga empleyado ay pinag-aaralang sampahan ng paglabag sa immigration law.

 


Ang may ari at iba pang foreign national ay pansamatalang dadalhin sa NCRPO headquarters sa Taguig at itu-turn over kalaunan sa Bureau of Immigration.

Pinag-aaralan din ng mga otoridad kung may pananagutan ang tagapamahala ng gusali.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.