Ilang Chinese firm na nangako ng proyekto, dawit sa alegasyon ng korupsyon sa China

 

Inquirer.net/AP

Isang Chinese construction firm na ‘banned’ ng World Bank at isang dredging company na isa umano sa mga kabilang sa nagsagawa ng reclamation sa Spratly islands ang ilan lamang sa mga kumpanyang nakakuha ng kontrata para magsagawa ng mga proyekto sa Pilipinas.

Ang mga naturang kumpanya ay kabilang sa mga nakakuha ng mga big-ticket infrastructure projects nang magtungo sa China si Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Ang kontratang nakuha ng China Road and Bridge Corp. (CRBC) sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay bahagi ng 15-billion dollar investment project na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo.

Ang CRBC ang natokahang mag-develop ng Bonifacio Global City-NAIA airport segment ng Metro Manila Bus Rapid Transit-EDSA project.

Gayunman, ang naturang kumpanya ay na ‘de-bar’ ng World Bank sa lumahok sa mga proyekto matapos lumitaw sa imbestigasyon na nakipagkunstabahan ito sa ibang kumpanya sa bidding para sa first phase ng Philippine National Roads Improvement and Management Program (NRIMP 1).

Ang China Communications Construction Company (CCCC) Dredging Co. naman na pinakamalaking dredging company sa buong mundo ay nakwestyon matapos masangkot sa kontrobersiya sa ginagawang land-reclamation activities nito sa pinag-aagawang Spratly islands.

Ayon sa ulat ng Wall Street Journal, ang mga dredging ships nito ang nakunan sa mga surveillance photos sa isa mga artificial islands na ginawa ng China sa naturang lugar.

Bukod sa dalawa, ilan pang kumpanyang nangako rin ng multi-bilyong dolyar na investment pledges kay Pangulong Duterte sa kanyang China visit ay dawit sa iba pang mga alegasyon ng korupsyon sa kanilang bansa.

Matatandaang ipinagmalaki ni Pangulong Duterte sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas ang multi-bilyong dolyar na mga investment pledges sa China.

Read more...