Babala ni Bato: ASG maaring umabot sa Metro Manila
Aminado si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na bagaman naka-base sa Mindanao, naglalakbay ang mga teroristang Abu Sayyaf sa iba’t ibang mga probinsya at posible pang umabot sa Metro Manila.
Ayon kay Dela Rosa, matagal nang nakakaikot ang mga ito at kadalasan, wala silang bitbit na armas at solong naglalakad tuwing sila ay lumalabas.
Kayang-kaya aniya ng mga ito na makaabot sa Metro Manila, pero tiniyak niya na mino-monitor pa rin nila ito.
Inihayag ito ng hepe ng Pambansang Pulisya matapos lumabas ang mga ulat na anim na miyembro ng Abu Sayyaf sa pamumuno ni Commander Messiah ang dumating sa Cebu noong Biyernes para sa pagdukot sa ilang prominenteng mga personalidad.
Dahil dito, inalerto na rin ni Police Regional Office-7 (Central Visayas) regional intelligence division chief Supt. Julian Entoma ang publiko na mag-ingat sa posibleng pag-atake ng mga terorista sa matataong lugar.
Ayon naman kay Central Visayas regional police head Chief Supt. Noli Taliño, nakatanggap nga sila ng ganitong impormasyon ngunit hindi pa nila ito nakukumpirma.
Base sa ulat, pumunta ang mga terorista sa Negros Oriental mula sa Dapitan, Zamboanga, at saka naglakbay patungong Cebu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.