Duterte sa US, EU: “Huwag niyo kaming gawing aso”
“Huwag niyo kaming gawing aso.”
Ito ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagbabanta ng pag-atras o paghi-hinto ng pagbibigay ng ayuda sa Pilipinas tulad ng Estados Unidos at European Union.
Sa pahayag ni Pangulong Duterte bago siya lumipad patungong Japan para sa isang official visit, muling naglabas ng inis ang pangulo sa US at EU dahil sa pambabatikos nito sa kaniya at sa kalakaran ng kaniyang administrasyon.
Ito kasi aniya ang laging banta sa kaniya ng mga kritiko kaugnay sa sinasabi ng mga ito na pang-aabuso sa karapatang pantao sa kasagsagan ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
“Huwag mo kaming gawing aso. Do not, you know… sabihin mo na as if I am a dog with a leash, tapos mag-tapon ka ng ano doon sa malayo tapos hindi ko maabot,” babala ni Duterte.
Aniya, hindi naman nakikinig ang mga ito sa kaniyang mga sinasabi, tulad ng pag-giit niya na hindi lahat ng namatay dahil sa iligal na droga ay gawa ng pamahalaan.
Paglilinaw pa ng pangulo, mayroon mang nasawi dahil sa droga na may kaugnayan ang gobyerno, ito ay ang mga namatay sa mga lehitimong operasyon ng mga otoridad.
Aniya pa, wala rin siyang pakialam kung hindi bilib sa kaniya ang mga kritiko niya dahil wala rin naman siyang bilib sa mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.