Mga abusadong punerarya binalaan ng Kamara

By Isa Avendaño-Umali October 25, 2016 - 05:10 PM

Funeral service
Inquirer file photo

Pinarerepaso ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago ang umiiral na mga patakaran at regulasyon sa industriya ng punerarya sa buong bansa.

Ito’y kasunod ng insidente sa punerarya sa La Loma, Quezon City kung saan nadiskubre amg isang daan at dalawang bangkay na hindi pa naki-claim o wala pang kumukuha.

Sa paliwanag na nakasaad sa House Resolution no. 488, sinabi ni Elago ang patuloy na operasyon ng Henry Memorial Services kahit ipinasara na ito ng Quezon City Government noong Setyembre dahil sa paglabag sa Sanitary and Health code.

Punto ni Elago, matagal nang hindi narerepaso ang implementing rules and regulations ng Department of Health o DOH sa disposal ng mga bangkay gayundin sa pagtatayo ng mga punerarya na saklaw naman ng Housing and Land Use Regulatory Board.

Bukod pa rito, marami na ring insidente nang pag-abuso sa industriya ng punerarya na kailangang maimbestigahan.

Dagdag pa ni Elago, may mga ulat na basta na lamang kinukuha ng mga funeral operator ang mga labi sa ospital nang hindi alam ng kaanak at saka pupuwersahing magbayad ang pamilya para mabawi ang katawan ng kanilang nasawing mahal sa buhay.

TAGS: Congress, elago, funeral service, henry, Congress, elago, funeral service, henry

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.