Dahil sa dami ng mga napinsalang eskwelahan, sinuspinde na ang klase sa lahat ng antas private at public sa Peñablanca at Tuguegarao City sa Cagayan hanggang sa October 28.
Ang suspensyon ay iniutos ni Cagayan Governor Manuel Mamba.
Ani Mamba, marami kasing eskwelahan ang napinsala ng bagyong Lawin sa lalawigan.
Ipinaubaya naman ni Mamba sa mga alkalde ang pagpapasya kung magsusupinde ng klase sa iba pang munisipalidad sa Cagayan.
Samantala, nananatiling walang kuryente sa malaking bahagi ng Cagayan.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mananatiling walang kuryente sa lahat ng nasasakupan ng CAGELCO II habang patuloy na isinasaayos ang mga nasirang poste at linya kuryente.
Sa kasalukuyan sinabi ng NGCP na ang ‘backbone lines’ sa ilang bahagi ng Cagayan ay maari nang magamit sa sandaling maibalik ang suplay ng kuryente sa linya ng NGCP.
Sa October 29, 2016, araw ng Sabado target ng NGCP na maibalik ang suplay ng kuryente sa mga sumusunod na lugar sa Cagayan:
-Aparri
-Camalaniugan
-Lallo
-Buguey
-Sta. Teresita
-Sta. Ana
-Gonzaga
-Allacapan
-Gattaran
-Lasam