Ayon kay Senior Supt. Tomas Apolinario, direktor ng Southern Police District (SPD), pumanaw si Reynold Clave sa kulungan ng Taguig City Police Station dakong alas 10:45 ng gabi ng Linggo.
Sinabi ni Apolinario na lumabas sa paunang imbestigasyon nila na marahil hindi nakahinga ang suspek dahil sa sobrang sikip ng kulungan.
Dinala naman sa Taguig Pateros Hospital si Clave ngunit idineklara din itong dead-on-arrival.
Ayon kay Apolinario, humigit-kumulang 80 katao ang naka-detain sa kulungan nang mangyari ang insidente.
Suspek si Clave ng pagpatay kay Nick Russel Oniot na sinaksak nang 18 beses nang manlaban ang biktima sa tangkang pag-agaw ng dalawang suspek sa kanyang backpack.
Samantala, namatay rin ang unang suspek ng krimen na si Marvin Bernardo habang dinadala ito sa stasyon ng pulisya matapos diumano’y mang-agaw ng baril ng isang pulis.