Aktor na si Julio Diaz, itinanggi ang report ng PEP.ph na siya ay patay na
(update) Itinanggi ng aktor na si Julio Diaz na siya ay pumanaw na matapos iulat ng entertainment website na PEP.ph ang kaniyang pagkamatay.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng aktor na siya ay buhay na buhay at hindi totoo ang ulat ng kaniyang pagpanaw na ngayon ay kalat na sa social media.
Paliwanag ni Diaz, ang kapatid niya sa ama na si Mariano Regaliza ang pumanaw matapos atakihin sa puso.
Mariano Regaliza din kasi ang pangalan ni Julio Diaz sa tunay na buhay kaya maari aniyang nalito ang PEP.
“Ang namatay ay ang kapatid ko sa ama na kapareho ko rin ng pangalan. Mukhang nagkamali ng pagka-intindi kasi ang sinabi ako ang namatay, ako din ang nasa litrato sa balita,” sinabi ni Diaz sa Radyo Inquirer.
Sinabi ni Julio na nagulat na lang siya na maraming tumatawag sa kaniyang telepono simula kaninang madaling araw at tinatanong siya tungkol sa balitang siya ay patay na.
Ani Diaz, sa dami ng nagtatanong, mismong siya ay nagduda na rin at bumangon siya mula sa kama para tiyakin na siya ay buhay at hindi naiwan doon ang kaniyang katawang lupa.
“Ang daming tumawag nga eh, nagising ako sa dami ng tumawag. Nagulat ako sa mga tumatawag, sabi ko, ‘ha? Ako patay na?’ Ang ginawa ko, bumangon ako sa higaan ko, tinignan ko yung kama, kung naiwan ako don, hindi naman,” dagdag pa ni Diaz.
Aniya, doble ingat siya ngayon sa kaniyang kalusugan lalo pa at may tendency talaga na siya ay atakhin sa puso dahil nagkaroon siya ng heart enlargement.
Ani Diaz, sa ngayon, maayos naman ang kaniyang kondisyon at may isa pang isasagawa ng MRI sa kaniya.
Samantala, ang pumanaw na kapatid ni Diaz ay nakaburol sa Antipolo.
Humingi naman ng paumanhin ang PEP sa maling naiulat na ibinase umano nila sa post sa Facebook ng isang kapatid ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.