Nananatiling walang suplay ng kuryente sa buong lalawigan ng Cagayan matapos ang pananalasa ng bagyong Lawin.
Ayon kay Cagayan Gov. Manuel Mamba, mabenta na ngayon sa lalawigan ng generator sets, dahil sa pagtaya ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay matatagalan pa bago ma-restore ng isangdaang porysyento ang suplay ng kuryente sa lalawigan.
Aabot kasi sa 96 na poste ang tumagilid at 72 ang tuluyang bumagsak o nasira sa kahabaan ng Tuguegarao-Cabagan, Tuguegarao-Tabuk, at Tuguegarao-Magapit-Sta. Ana 69kV lines na nakaapekto sa USELCO II at buong franchise ng KAELCO, CAGELCO 1 at CAGELCO II ng NGCP.
Ayon sa NGCP, target nilang matapos ang restoration ng mga apektadong transmission lines sa Sabado, October 29.
Puspusan naman na ang ginagawang pagkumpuni ng NGCP sa mga nasirang poste para maibalik sa lalong madaling panahon ang suplay ng kuryente sa northern Isabela, Cagayan, Kalinga at Apayao.
Samantala, nananatili namang walang klase sa Cagayan ngayong araw, dahil ayon kay Mamba, marami ring eskwelahan ang napinsala na nagresulta sa pagkasira ng mga silid-aralan.
Ayon kay Mamba, halos lahat ng pamilyang inilikas sa kanilang mga tahanan ay nakauwi na.
Sa ngayon, limang pamilya na lamang ang nananatili sa evacuation centers sa dalawang Brgy.sa bayan ng Peñablanca sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ay ang Brgy. Malibabag na may isang pamilya na natira pa sa evacuation center habang apat na pamilya naman sa Brgy. San Roque.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Peñablanca Municipal Social Welfare and Development Officer Daisy Abana, sinabi nitong wasak ang bahay ng mga naturang pamilya kaya’t wala silang masilungan kundi ang evacuation center.
Samantala, isolated pa rin aniya ang mga barangay Camasi at Dodan dahil putol ang tulay papasok at palabas doon kayat manu-mano ang paghahatid ng relief goods.