Ito’y sa harap ng mga ulat na posibleng italaga raw ng Presidente si LP Secretary General at Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento o kaya si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang DILG secretary habang si Iloilo Rep. Neil Tupas Jr. naman ang itatalaga bilang Justice Secretary.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni LP Spokesperson at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na highly qualified naman sina Sarmiento at Tupas sa mga departamento.
Pero sa personal niyang pananaw, inihayag ni Evardone na mas mainam na magtalaga si Pangulong Aquino ng isang ‘career official’, lalong-lalo na sa DILG.
Paliwanag ni Evardone, ito’y upang hindi maakusahan ang administrasyon na gagamitin ang DILG para sa political interest ni Roxas, na kamakailan lamang ay pormal nang inendorso ni Pnoy bilang manok nito sa 2016 Presidential Elections.
“Yung dalawang kasamahan ko sa Kongreso, highly qualified, at kung sila’y mapupusuan ng pangulo, susuportahan namin. Pero ang personal kong take dyan, lalo na sa DILG, wag sana masamain ng mga kasama ko, ang gusto ko mangyari sana, suggestion sa Pangulo, magtalaga ng isang career guy sa DILG. Bakit? Para hindi maakusahan ang administrasyon na gagamitin ang DILG para sa political interest ni Secretary Mar,” pahayag ni Evardone.
Sakali rin daw na si Mayor Duterte ang mapipiling DILG chief, hindi malayong akusahan ang administrasyon na ginagamit ang alkalde para makatulong at makakuha ng boto sa Mindanao para kay Roxas.
Giit ni Evardone, mismong si Roxas ay ayaw na mangyari ito, at wala aniyang balak ang partido Liberal na manggamit ng ibang tao para sa kandidatura ng kanilang pambato sa pampanguluhang halalan.
“Baka sabihin, nilagyan yan ng admin para makatulong, makaakit ng boto para sa Mindanao, sa Davao, at gamitin ang departamento para sa kandidatura ni Sec. Mar, ayaw na ayaw ni Sec. Mar ng ganyan,” ani ng tagapagsalita ng LP. / Isa Avendaño-Umali