(Update) Bukas, ika-3 ng Agosto ay ihahayag ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang tinaguriang ‘True’ State of the Nation Address o TSONA sa lalawigan ng Cavite.
Sa advisory ng Office of the Vice President, alas kuwatro ng hapon, bukas, Lunes, gaganapin ang TSONA ni VP Binay sa Cavite State University (CavSU) sa Indang, Cavite.
Una nang nilinaw ng kampo ni Binay na taliwas sa ginawa ng Pangulong Noynoy Aquino na nagpasaring at naninisi ng mga personalidad kabilang na si VP Binay nang ito ay maghayag ng kanyang SONA, magiging makatotohanan ang TSONA ng pangalawang pangulo.
Una nang sinabi ng kampo ni Binay na magiging laman ng kanyang True SONA ang tunay na kalagayan ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sa gagawing paghahayag ni VP Binay, maglalatag din anila ng mga solusyon ang pangalawang pangulo sa mga problema sa oras na siya ay maluklok sa puwesto.
Samantala, nagpaliwanag ang kampo ni Vice President Jejomar Binay kung bakit sa Cavite State University (CavSU) gaganapin ang True State of the Nation Address o TSONA nito bukas (August 03).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla nagpasya si VP Binay na gawin ang kanyang TSONA sa CavSU upang maipakita sa mga tao ang tunay na estado ng mga State University and Colleges o SUCs sa bansa.
Ayon kay Remulla, dismayado si Binay na napakalaking halaga ng alokasyon ang inilalaan ng pamahalaan sa mga lump sum, pero napakababa naman ng budget para sa SUCs.
Ani Remulla, sa SUC’s nanggagaling ang mga pag-asa ng bayan subalit imbes daw na tulungan at dagdagan ang budget ng mga ito, ay binabawasan pa ng gobyerno.
Minabuti rin daw ni Binay na hindi sa opisina nito sa Coconut Palace ilahad ang kanyang TSONA dahil hindi raw ito sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino.
“Kasi po yung napag-isipan po, sa Coconut palace po dapat gagawin, pero malayo po sa katotohanan yun eh. Ang Coconut Palace po ay napakaganda, at ipinagawa po para kay Pope John Paul II, ang Coconut Palace po ay dinesign ni Architect Mañosa. Pero hindi yun talaga ang kung nasaan ang totoong tao. Eh dinecide nila, doon tayo sa kung nasaan yung mga tao, explain natin ang totoong nangyayari sa Pilipinas.”
Una rito, binalak ni Binay na isagawa ang kanyang TSONA sa Coconut Palace, pero binago at sinabing sa Cavite Provincial Capitol na lamang, subalit kinalauna’y sa Cavite State University na gaganapin ang aktibidad.- Isa Avendaño-Umali/Jay Dones