Higit 80 pang body bags, nadiskubre sa sinalakay na punerarya sa QC

By Kabie Aenlle October 21, 2016 - 04:05 AM

 

Inquirer Photo - Jhesset Enano
Inquirer Photo – Jhesset Enano

Nakadiskubre pa ang mga opisyal ng Quezon City health office ng karagdagang 84 na lalagyan ng mga bangkay mula sa puneraryang una nang na-raid noong nakaraang linggo dahil sa naimbak na mga naaagnas na bangkay.

Matagal nang inirereklamo ng mga residente ang Henry’s Funeral Home sa La Loma, Quezon City dahil sa masangsang na amoy na nagmumula dito, na bunsod pala ng napakaraming naka-imbak na bangkay sa loob.

Noong nakaraang linggo unang sinalakay ng mga opisyal ng lungsod ang naturang punerarya kung saan 50 na bangkay ang kanilang natagpuan, na nasundan pa ng isa pang follow up operation noong Martes kung saan nasa 70 naman na bangkay ang kanilang nadiskubre.

Sa tantya ng mga opisyal, posibleng umabot sa 200 ang kabuuang bilang ng mga bangkay na naimbak sa punerarya.

Bukod sa 84 body bags na natagpuan naman doon ng mga otoridad kahapon, anim na bangkay pa ang natagpuan nila sa isang improvised na imbakan na punung-puno ng formalin.

Matapos tanggalin ng mga tauhan ang mga bangkay, kabaong at mga kagamitan, agad nilang dinisinfect ang lugar.

Pero susunugin na rin ng mga opisyal ang mga kabaong na nadiskubre doon dahil ang mga kemikal na ginamit ng punerarya ay may masamang maidudulot sa kalusugan ng mga residenteng nakatira sa paligid nito.

Aalamin naman ng pulisya ang mga pinanggalingan ng mga bangkay na ito, upang matukoy rin ang mga kaanak o kakilala ng mga nasawi.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.