San Roque dam nagpakawala ng tubig, mga residenteng malapit sa ilog, pinalikas

By Kabie Aenlle October 21, 2016 - 04:09 AM

 

File photo

Iniutos ni Pangasinan Gov. Amado Espino III ang sapilitang pagpapalikas sa mga residenteng nakatira sa mabababang lugar sa kahabaan ng Agno River bilang pag-iingat matapos magpakawala ng tubig ang San Roque Dam.

Dakong alas-5:00 kasi ng hapon kahapon, umabot na sa limang metro ang taas ng tubig sa apat na spillway gates ng nasabing dam kaya naglabas na ng tubig sa rate na 1,159.3 cubic meters per second.

Katumbas ng one cubic meter ay limang drum ng tubig.

Pinakawalan ang tubig patungo sa Agno river na pinakamahabang ilog sa Pangasinan, na bumabaybay sa 18 bayan at San Carlos City bago sumalubong sa Lingayen Gulf.

Ipinaalam na rin ng National Power Corp. (NAPOCOR) sa pamahalaan na magpapatuloy ang pagpapakawala ng tubig hanggang sa pumantay na ang dami ng tubig na pumapasok sa dam, sa dami ng tubig na inilalabas nito.

Pinayuhan naman ni Espino ang mga residente na huwag mag-panic at umalis na sa kanilang tahanan sa maayos at mapayapang paraan dahil ito rin ay para sa kanilang kaligtasan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.