‘Cory Magic’, dapat umanong ipasa sa pagtakbo ni Mar

Mula sa gov.ph

Buhay pa rin ang ‘Cory Magic’.

Kaya’t ayon sa ilang mga taga Liberal Party, ito ang dapat na gamitin ni Pangulong Noynoy Aquino upang ipanalo ang susunod na halalan sa 2016.

Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Irice, isa sa mga masugid na tagasuporta ni Roxas sa LP, dapat magmistulang si PNoy mismo ang tatakbong muli sa susunod na eleksyon upang makuha nito ang suporta ng taumbayan tulad ng suportang kanyang tinanggap nang ito’y tumakbo sa 2010.

Ito aniya ang dapat na ipasa ni PNoy kay Roxas upang lumakas ang ‘support base’ nito at umangat sa mga ratings sa eleksyon.

Matatandaang nang mamatay si dating pangulong Cory Aquino, noong Agosto 1, 2009, sumiklab ang panawagan na si dating Senador Noynoy Aquino ang tumakbo sa pampanguluhang posisyon kapalit ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Dahil dito, napilitan si Roxas na magbigay daan kay Noynoy at tumakbo na lamang bilang bise presidente ngunit hindi ito nanalo laban kay Jejomar Binay.

Samantala, umaasa naman si Iloilo Rep. Jerry Treñas na aangat agad ng 5 hanggang 10 porsiyento ang puntos ni Roxas sa mga survey dahil sa endorsement ng Pangulong Aquino at mas tataas pa ito sa oras na magsimula nang mag-ikot ang kalihim sa bansa.

Naniniwala naman si Eastern Samar Rep. Ben Evardone na dahil sa endorsement ng Pangulo, didikit na sa puntos ang pangalan ni Roxas sa iba pang mga nangunguna sa mga survey.

Sa pinakahuling Social Weather Stations survey, pangatlo si Roxas sa nangungunang si Sen. Grace Poe at pumapangalawang si VP Jejomar Binay./ Jay Dones

 

 

 

Read more...