Makabayan Bloc, pinasisiyasat na sa Kamara ang marahas na dispersal sa harap ng US embassy

By Isa Avendaño-Umali October 20, 2016 - 01:27 PM

Kuha ni Isa Umali
Kuha ni Isa Umali

Pinaiimbestigahan ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara ang naging marahas na dispersal ng mga pulis sa mga Moro, indigenous people at sa iba pang nakiisa sa protesta sa harap ng U.S. embassy kahapon.

Sa House Resolution 487, inaatasan ang House Committee on Human Rights na imbestigahan “in aid of legislation” ang brutal na dispersal na ikinasugat ng labing isang indibidwal, habang tatlo ang malala ang injury matapos na sagasaan o araruhin ng isang pulis gamit ang police mobile.

Nasa 42 naman ang inaresto ng mga pulis kasama ang medical team at ilang mga taga-media.

Tinukoy pa na dapat maparusahan si Sr. Supt. Marcelino Pedrozo ng Manila Police District o MPD matapos na ipagutos ang marahas na paraan ng pagpapaalis sa mga raliyista.

Si PO3 Franklin Kho naman ang tinukoy na sumagasa at nanakit sa mga raliyista.

Tinawag naman ni ACT PL Rep. France Castro ang pulis na sira ulo na hindi lamang daw dapat suspendihin kundi sibakin pa.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, hindi dapat palagpasin ng Kongreso ang nangyari at dapat maparusahan ang mga nasa likod ng ginawang kalupitan ng mga otoridad laban sa mga marginalized sector na ginagawa lamang ang malayang pagpapahayag ng kanilang saloobin kontra US.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.