Insidente ng dispersal sa US Embassy, ‘nakakalungkot at nakakagalit’ ayon kay PNP Chief Dela Rosa

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Napanood na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang video sa naganap na dispersal sa mga raliyista sa US embassy.

Sa kaniyang statement, sinabi ni Dela Rosa na ‘nakakalungkot at nakakagalit’ ang pangyayari lalo pa at may mga taong nasaktan.

Gayunman, sinabi ni Dela Rosa na hindi niya hahayaang mangibabaw ang kaniyang emosyon sa nasabing sitwasyon lalo pa at siya ay mayroong moral obligation para patas na suriin ang naganap.

“Napanood ko and video at nakakalungkot at nakakagalit. I saw people got hurt. Ayaw na ayaw ko na may nasasaktan na Pilipino. But I cannot let emotions get the best of me. As Chief of the PNP, I have a duty and moral obligation to look into this squarely, and deal with it swiftly and decisively,” sinabi ni Dela Rosa.

Si Dela Rosa ay nasa China ngayon, at bahagi ng delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Dela Rosa na kinikilala ng PNP ang karapatan ng bawat mamamayan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon.

May striktong direktiba aniya sa mga tauhan ng PNP na pairalin ang maximum tolerance sa public assemblies, tiyakin ang kaligtasan ng publiko at proteksyunan ang buhay ng bawat nagtitipon.

Tiniyak ni Dela Rosa na magsasagawa ng imbestigasyon at full review sa nangyari sa US embassy rally at papatawan ng karampatang parusa ang tauhan ng PNP na mapapatunayang nakagawa ng paglabag.

Sa ngayon, prayoridad aniya ng pamahalaan na alamin ang kalagayan ng mga biktima na nasaktan sa nasabing insidente.

 

Read more...