Mga bahay, simbahan, palengke at munisipyo sa Tumauini, Isabela, wasak sa hagupit ng bagyong Lawin

By Dona Dominguez-Cargullo, Ricky Brozas October 20, 2016 - 10:13 AM

Kuha ni Richard Garcia
Kuha ni Richard Garcia

Wasak ang mga tahanan, tuklap ang bubong at pinasok ng tubig baha ang lumang simbahan, munispyo at mga establisyimento.

Kuha ni Richard Garcia
Kuha ni Richard Garcia

Ito ang sitwayson sa ilang bayan sa lalawigan ng Isabela partikular na sa Tumauini na matinding naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Lawin.

Ayon sa mga residente sa nasabing bayan, sa kasagagan ng paghagupit ng bagyo, pakiramdam nila ay sa kanila nag-landfall ang bayo.

Ang bayan ng Tumauini ay katabi ng bayan ng Cabagan sa Isabela at na susundan na ng Tuguegarao City sa Cagayan.

Sa bayan ng Peñablanca, Cagayan na katabi lang ng Tuguegarao naglandfall ang bagyo Miyerkules ng gabi.

Kuha ni Richard Garcia
Kuha ni Richard Garcia

Sa Tumauini, tuklap ang bubong at pinasok ng tubig ulan ang lumang simbahan na St. Matthias Church.

Hindi rin nakaligtas sa tubig baha ang munisipyo ng Tumauini maging ang mga gasolinahan, palengke at supermarket.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Philippine Daily Inquirer correspondent Villamor Visaya, siyam na oras na walang tigil na naranasan ang hagupit ng bagyong Lawin sa Isabela.

Tuloy-tuloy at walang paghinto ang naranasang malakas na ihip ng hangin at pag-ulan simula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng madaling araw.

Nang magliwanag, tumambad ang mga punongkahoy at poste ng kuryente na naghambalang sa national highway ng Isabela patungong Cagayan.

Dahil dito, pahirapan ang biyahe ng mga pampasaherong bus at mga pribadong sasakyan na mula Cagayan paluwas ng Maynila at pabalik.

Bagsak din ang suplay ng kuryente sa lalawigan ng Isabela.

 

TAGS: Typhoon Lawin effects, Typhoon Lawin effects

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.