Marahas na dispersal sa mga raliyista sa US Embassy, utos ng MPD official-BAYAN

By Dona Dominguez-Cargullo October 20, 2016 - 07:49 AM

Embassy1Hindi umano totoong walang ipinag-utos na dispersal sa mga raliyista na nagsagawa ng pagkilos kahapon sa US Embassy.

Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, si Col. Marcelino Pedrozo na deputy director for operations ng Manila Police District (MPD) ang nag-utos ng dispersal.

Sinabi ni Reyes na dinig na dinig naman sa kuhang video ng isang network na pinapagalitan ni Pedrozo ang mga pulis Maynila dahil nalusutan sila ng mga nagpoprotesta sa embahada.

Dinig din aniya sa video ang pag-uutos ni Pedrozo sa ground commander na buwagin ang hanay ng mga raliyista.

Dagdag pa ni Reyes, hindi rin totoo ang sinasabi ng PNP na hindi sinadyang sagasaan ang mga nagprotesta.

Katwiran kasi ng pulis na nagmamaneho ng mobile, nagmamane-obra lang siya noon dahil sa banta ng mga raliyista na agawin ang manibela ng sasakyan.

Ani Reyes, malinaw naman sa nakuhanang video na walang banta sa pulis na nagmamaneho ng mobile nang gawin niya ang pananagasa.

Katunayan ni hindi umano hinahawakan ng mga raliyista ang mobile ng mga sandaling iyon.

Ayon kay Reyes sa simula ay mapayapa naman ang kanilang pagkilos sa harapan ng embahada, bago dumating si Pedrozo at iniutos ang dispersal.

Ginamitan umano sila ng tear gas, truncheons at sinagasaan pa.

Naniniwala si Reyes na planado ang ginawang marahas na pag-disperse sa kanila ng mga pulis.

TAGS: US Embassy rallly, US Embassy rallly

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.