Inaprubahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang resolusyon para sa Con-Ass o Constitutional Assembly bilang mode na gagamitin sa pag amyenda sa 1987 Constitution.
Tatlumpu’t dalawa (32) sa present members ng komite ang pumabor sa Con-Ass, habang pito (7) naman ang tumutol at tatlo (3) ang nag-abstain.
Dalawang beses pang ginawa ang botohan bago ito naging pinal.
Noong una ay sa pamamagitan ng viva voche o voice voting pero may mga nag-object kaya inulit ang botohan at pinatayo ang mga miyembro na pabor at hindi sa Con-Ass.
Sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig ng komite ay isinusulong na ang botohan para sa mode na gagamitin sa Cha-Cha.
Ito ay ang mosyon ni House Deputy Speaker Gwen Garcia pero iginigiit ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na ipagpaliban muna ang botohan upang hindi naman sila maakusuhan ng pagrailroad sa Cha-Cha pero mas nanaig ang pagpapatuloy sa botohan.
Sa kabila nito, naituloy ang botohan makaraang linawin ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang mosyon ni Garcia na layon lamang na mag-convene ang Senado at Kamara bilang Con-Ass.
Si Rep. Roger Mercado pa rin ang chairman ng komite at siyang nanguna sa Cha-Cha hearing kahit pa nauna nang napabalita na magte-takeover na rito si Majority Leader Fariñas.