Laman ng committee report kaugnay sa Bilibid Probe, isinapubliko na

Committee Report

Ipinauubaya na ng House Justice Committee sa Department of Justice ang malalimang imbestigasyon sa papel ni Senador Leila de Lima sa isyu ng drug trade ng New Bilibid Prisons o NBP.

Iyan ang isa sa mga pangunahing rekumendasyon na nakapaloob sa 17-pages committee report ng lupon, matapos ang apat na Bilibid probe.

Batay sa committee report, napatunayan ng komite, lumala ang drug trade sa NBP sa ilalim ng superbisyon ni De Lima.

Ito’y dahil lahat ng naging mga saksi sa imbestigasyon ay nagturo sa involvement at pananagutan ng senadora sa drug trade, bagama’t walang naging depensa dito si De Lima dahil no-show siya sa pagsisiyasat.

Sa kabila nito, walang opisyal na rekumendasyon ang lupon para kasuhan si De Lima pero binigyang-diin sa report na ipinauubaya na sa DOJ o sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban sa lady solon.

Inirekumenda din ng justice panel sa DOJ na imbestigahan ng mas malalim sina dating Bucor Dir. Franklin Bucayu, NBI Deputy Director at dating Bucor OIC Rafael Ragos, dating driver ni De Lima na si Ronnie Dayan pati na ang iba pang Bucor at NBP officials kasama ang jail guards.

Para naman mabuwag ang drug trade sa NBP, ipinalulusaw na ng justice panel ang lahat ng gangs sa loob ng kulungan, ipinahihiwalay na ang mga presong sangkot sa drug trade, pinahihigpitan ang sistema para hindi na makapasok ang kontrabando sa Bilibid at paggamit ng makabagong jamming device.

Ipinalalatag din ng komite ang regular na pagpapalit ng Bucor at NBP officials kada tatlong taon, kasabay ang regular na lifestyle check sa mga ito.

Ipinatitiyak din sa DOJ na hindi nauuwi sa katiwalian ang food allowance ng mga bilanggo sa Bilibid at iba pang kulungan.

Sa aspeto naman ng legislative measures, inirekumenda ng komite ang pagbabalik ng parusang kamatayan para sa drug cases, pag-exempt sa drug inmates sa Anti-Wiretapping law, Bank Secrecy law at Anti-Money Laundering Act.

Napapanahon na rin umano para ipasailalim sa iisang departamento ang lahat ng kulungan sa buong bansa at bigyan ng dagdag na pondo ang Bucor pati ang PDEA para sa modernisasyon ng mga ito.

Kinalampag na rin ng komite ang gobyerno para sa agarang pagtatayo ng mga bagong pasilidad para sa mas maluwag na kulungan ng mga bilanggo.

 

Read more...