Mga suspek sa pagpatay sa dating asawa ni Kerwin Espinosa, patay magkahiwalay na pamamaril

By Kabie Aenlle October 19, 2016 - 04:24 AM

 

crime-scene-tapePatay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Cebu City ang dalawang hinihinalang suspek sa pagpatay sa dating asawa ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.

Kinilala ang dalawa na sina Richard Jungoy na binaril at napatay kahapon ng hapon, at si Michael Lendio na pinagbabaril naman noong Lunes ng gabi.

Bumibili lamang ng sigarilyo si Jungoy sa Barangay Duljo-Fatima sa Cebu City pasado alas-3:00 ng hapon, nang bigla siyang tambangan ng riding in tandem.

Ayon kay PO3 Cristobal Geronimo ng Cebu City Police Office homicide division, isang testigo ang nakapagturo kay Jungoy na bumaril umano kay Annalou Llaguno noong Setyembre 30, at iniimbestigahan pa nila ito.

Kinukumpirma pa naman ng mga imbestigador ang tamang apelyido ni Jungoy na sinasabing miyembro ng grupo ng napatay na drug lord na si Jeffrey “Jaguar” Diaz.

Ani pa Geronimo, may mga nakabinbing arrest warrant din sa kasong frustrated homicide at murder laban kay Jungoy.

Samantala noong Lunes naman ng gabi, dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek ang bumaril rin kay Michael Lendio na nagdiriwang pa ng kaniyang kaarawan sa Brgy. San Nicolas, Cebu City.

Si Lendio ay natukoy rin ng parehong testigo na nagturo kay Jungoy, at ito pa umano ang tumapos kay Llaguno.

Ikinasal si Llaguno kay Espinosa noong 1997 habang ito ay baguhan pa lamang sa pagtutulak ng droga, at nagkahiwalay ang dalawa taong 2003 dahil sa selos at pangangaliwa ni Espinosa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.