Arestado sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation ang limang suspek sa online child pornography sa Taguig.
Nakilala ang mga suspek na sina Shaira Candaza, Girlie Candaza, Estrellita Candaza, Mary Rose Reyes at Mary Grace Cahanding.
Nabatid na taong 2011 pa nagsimula ang nasabing gawain na isa umanong ‘family business’ at pawang mga kabataan na may edad dalawang taon hanggang labing isang taon ang mga biktima.
Ayon sa NBI, gamit ang “pretty.mirth” na username sa Yahoo chat, inaalok ng mga suspek sa foreigner ang mga batang biktima para sa online shows at malalaswang gawain.
Matapos nito ay ipapadala aniya ng kliyente ang bayad sa pamamagitan ng money transfer.
Sinabi rin ng NBI na ang Federal Bureau of Investigation ang nagpabatid sa kanila ng impormasyon dahil nadiskubre ng ahensya na naka-base sa Pilipinas ang username na “pretty.mirth”.
Katuwang ang FBI, nailigtas sa operasyon ng NBI ang dalawang batang lalaki na may edad lima hanggang labing isang taon at isang dalawang taong gulang na babae.
Nakuha sa isinagawang operasyon ang ilang logbooks, pornographic materials at drug paraphernalia.
Dahil dito, mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, RA 7610 o Anti-Child Abuse Law, RA 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009, RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.