Dahil sa FB post: Cynthia Patag at Jim Paredes binatikos ng mga netizens

cynthia patag
Facebook

Inulan ng batikos mula sa mga netizens sina Cynthia Patag, Jim Paredes at ang misis nitona si Lydia.

May kaugnayan ito sa naging FB post ni Patag na may titulong “He wasn’t poor” by Lydia Paredes.

Nakasulat sa nasabing post na umano’y dinukot, drinoga at pinatay ang musician na si Manuel “noli” Asensio III na asawa ng singer na si Iwi Laurel at ama naman ng singer na si Nicole Asensio.

Sa kanyang FB post, sinabi ni Iwi na hindi nila itinalaga si Patag o ang mga Paredes para magsalita para sa kanila kaugnay sa pagkamatay ni Asencio.

Ipinaliwanag rin ni Iwi na namatay si Asencio sa Makati Medical Center dahil sa septic shock at cardiac arrest at hindi pinatay tulad ng sinabi ni Patag sa kanyang FB post.

Galit naman na sinabi ni Nicole na iresponsable ang mga taong nagpakalat ng maling balita at ginamit pa sa pulitika ang pagkamatay ng kanyang ama.

Sina Patag at pamilya Paredes ay kilalang tagasuporta ng Liberal Party at kritiko naman ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Jim Paredes na wala silang balak ikalat ang impormasyon kaugnay sa pagkamatay ni Asencio.

Meron umano silang natanggap na impormasyon mula sa isang nagngangalang Ana Segovia na sinasabing kaanak ng pamilya Asencio at sa kanya umano nagmula ang impormasyon na ito ay dinukot, ginamitan ng droga at pinatay.

Ang kumalat umanong post sa Facebook na inilabas ni Patag ay mula kay Ginang Paredes na ipinakalat niya sa kanyang mga kaibigan bilang isang “private message” dahil gusto nilang kumpirmahin ang nilalaman ng impormasyon na galing kay Segovia.

Sinabi ni Paredes na pati sila ay nagulat dahil bigla na lamang itong inilagay ni Patag sa kanyang FB post.

Kaagad umano niyang tinatawagan at pinaliwanagan si Patag kaya kaagad namang itong inalis sa FB wall ng dating aktres.

Sa ngayon ay hindi na ito mababasa sa wall ni Patag at hindi na rin siya naglabas pa ng pahayag tungkol sa nasabing isyu.

 

Read more...