Pagsasapubliko ng Facebook ng lahat ng posts at impormasyon ng users, “hoax” lang

facebook statementKumakalat ngayon sa Facebook ang isang post na nagbibigay babala sa mga users na isasapubliko umano ng nasabing social networking site ang lahat ng laman ng mga accounts ng bawat user.

Bahagi ng post na ito ang pahayag na hindi pumapayag ang user na magpo-post nito na gamitin ng Facebook ang anuma sa kaniyang posts, impormasyon, messages, o litrato.

Kasabay nito ay hinihikayat rin nito ang mga users na i-‘copy and paste’ ang buong post sa kanilang sariling mga Facebook accounts, dahil ito umano ang paraan para hindi isapubliko ng social media site ang lahat ng impormasyong laman ng kanilang page.

Subalit ayon mismo sa pahayag ng Facebook, ito ay isang “hoax” lamang o pekeng impormasyon.

Sa pahayag ng Facebook, iginiit nila na hindi dapat paniwalaan ninuman ang kumakalat na posts tungkol sa pagsasapubliko ng mga impormasyon ng bawat users.

Anila, malinaw sa kanilang terms and conditions na pag-aari ng user ang lahat ng laman at impormasyong kanilang ipino-post sa Facebook.

Nananatili rin aniya ang kakayahan ng bawat users na kontrolin ang mga ibinabahagi nilang posts at kung paano ito naibabahagi, sa pamamagitan ng privacy at application settings.

Hinikayat rin ng Facebook ang users na bisitahin ang Privacy Basics ng kanilang accounts, o kaya ay muling basahin ang kanilang Data Policy upang malaman ng users kung anong impormasyon lamang ang kinokolekta ng Facebook at kung paano ito nagagamit.

Paalala pa ng Facebook, kontrolado ng user ang lahat ng laman o “experience” ng kaniyang account.

Read more...