Bilang ng mga stranded na pasahero sa pantalan dahil sa Bagyong Karen, umabot sa mahigit limang libo
Umabot sa kabuuang bilang na 5,981 ang mga pasahero ng barko at bangka na naantala ang biyahe dahil sa bagyong Karen.
Ayon sa pinakahuling tala ng Philippine Coast Guard, mas mababa ito ng dalawang libo kung ikukumpara sa bilang ng stranded passengers kagabi.
Sinabi ni PCG spokesperson Commander Armand Balilo na nagsi-uwian na ang ibang mga pasahero nang malamang hindi pwedeng maglayag.
Nakasaad sa kanilang monitoring na pinakamaraming stranded sa Central Visayas na nasa mahigit dalawanlibong pasahero.
Marami ring stranded sa Southern Tagalog region na aabot sa higit isanlibo.
Ayon pa kay Commander Balilo, kapag may tropical cyclone warning signal talagang walang biyahe ang barko at hindi rin pinaglalayag ang mga bangkang pang-interisland o tawid-isla at bangkang pangisda.
Tiniyak naman niyang nakabantay ang kanilang response groups para tumulong sakaling kailangan ng rescue at evacuation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.