Bagyong Karen napanatili ang lakas, Metro Manila signal no. 2 na
Katumbas ng isang buwang ulan ang ibinuhos ng bagyong Karen sa lalawigan ng Catanduanes ayon sa 5:00 PM weather bulletin na inilabas ng Pagasa.
Iyun ang dahilan kung bakit lubog sa tubig baha ang malaking bahagi ng nasabing lalawigan base na rin sa mga impormasyon na natatanggap ng weather bureau.
Kaninang alas-singko ng hapon, nakita ang sentro ng bagyo sa 205 Kilometers Silangan ng Infanta, Quezon.
Taglay pa rin ni Karen ang lakas ng bagyo na 130 Kilometers per hour at pagbugso na umaabot sa 180 kph at tumatahak sa direksyon ng Central Luzon sa bilis na 22 Kilometers per hour.
Nasa ilalim ng signal number 3 ang mga lalawigan ng Pangasinan, Northern Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Northern Quezon including Polilio Island, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya and Quirino.
Ibinaba na sa signal number ang lalawigan ng Catanduanes kabilang rin ang Metro Manila, Ilocos Sur, Southern Isabela, Mt Province, Ifugao, Rest of Zambales, Pampanga, Bulacan, Bataan, Rizal, Metro Manila, bahagi ng Quezon at Camarines Norte.
Nakataas naman ang signal number 1 sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Rest of Isabela, Southern Apayao, Southern Cagayan, Oriental Mindoro, Cavite, Batangas, Laguna, Marinduque, Camarines Sur, Albay at Burias Island.
Alas-dos ng madaling-araw mamaya ay inaasahang tatama ang mata ng bagyo sa bayan ng Infanta, Quezon.
Simula naman mamayang gabi ay inaasahan na ang paglakas ng ulan na mararanasan sa malaking bahagi ng Luzon kabilang na sa Metro Manila.
Dahil bahagyang bumilis, sinabi ng Pagasa na Lunes ng madaling-araw ay inaasahang lalabas ng bansa ang bagyong Karen pero sa nasabi ring araw papasok sa bansa ang ika-labing dalawang bagyo ngayong taon na tatawagin sa pangalang “Lawin”.
Muling inulit ng Pagasa na magdadala ng malalakas na p pag-ulan ang bagyong Karen kahit na sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1.
Nanatili naman sa normal na sitwasyon ang mga pangunahing dam Luzon base na rin sa monitoring ng Pagasa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.