Duterte: Kaya kong ipahiya ang EU, US at UN sa publiko
‘I am sure. They cannot be brighter than me.’
Ito ang pinakabagong banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa United States, European Union (EU), at United Nations (UN).
Sa kaniyang talumpati sa 42nd Philippine Business Conference and Expo kagabi, ipinagmalaki ni Pangulong Duterte na kayang-kaya niyang ipahiya ang US, EU at UN at paikutin ang mga ito sa kaniyang kamay sa pamamagitan ng mga tanong na ibabato niya sa mga ito sa harap ng publiko.
Ayon kay Duterte, sa pag-imbita niya sa UN, US at EU para mag-imbestiga dito sa bansa kaugnay sa sinasabing extrajudicial killings, dapat ay bigyan rin siya ng mga ito ng “right to be heard.”
Sa pamamagitan aniya nito ay makakapagtanong siya at nakatitiyak ang pangulo na kaya niyang laruin at paikutin sa kaniyang kamay ang mga kinatawan ng mga ito dahil malabo aniyang maging mas matalino ang mga ito kumpara sa kaniya.
Dagdag pa ng pangulo, nasa US, EU at UN man ang salapi, nakuha naman ng mga Pilipino ang utak at katalinuhan kahit maliit lang ang Pilipinas.
Matatandaang nagpadala na ang Malacañang ng liham ng imbitasyon kay UN rapporteur Agnes Callamard, habang ibinunyag rin ng pangulo na nagpadala na rin ng imbitasyon para sa US at EU upang imbestigahan ng mga ito ang extrajudicial killings umano dito sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.