Nakiisa ang Malacañang sa pakikiramay ng buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagpanaw ni Thai King Bhumibol Adulyadej.
Kinilala ng Palasyo ang yumaong si King Bhumibol hindi lang dahil sa pagiging pinakamatagal na reigning monarch sa buong mundo, kundi bilang isang mabuting gabay sa pagiging maunlad na bansa ng Thailand.
Kabatid-batid rin anila ang labis na pagmamahal at pagbibigay respeto ng mga mamamayan ng Thailand sa kanilang hari.
Dahil dito, sa ngalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ipinahatid ng Palasyo ang pakikiramay sa pamilya ng hari at sa lahat ng mga naiwan nito.
Kasabay nito ay binati rin ng Malacañang ang anak nito na si Crown Prince Maha Vajiralongkorn sa pagkakatalaga nito bilang bagong hari ng Thailand.