Duterte, hindi nasa likod ng umano’y mga kaso ng EJK ayon kay Gordon

Duterte_GordonTahasang sinabi ni Sen. Richard Gordon na hindi si Pangulong Rodrigo Duterte o ang kanyang administrasyon ang nasa likod ng serye ng mga umano’y kaso ng extra judicial killings o EJK sa bansa.

Ito ayon kay Gordon, ay base sa mga pahayag na ipinrisinta sa isinagawang pagdinig ng Senate Justice Committee.

Ayon pa kay Gordon, hindi siya naniniwala na Duterte-inspired ang mga napapaulat na pagpatay sa mga drug suspects.

Ang nais lang aniyang mapatay ni Duterte ay ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.

Hindi naniniwala si Gordon na uutusan o manghihikayat ang pangulo ng sinuman na pumatay ng tao.

Sinabi rin ng senador na wala siyang nakukuhang order galing sa pangulo at kahit pa kay PNP chief Gen. Ronald Dela Rosa na nagpapapatay siya ng tao.

Kanina ay tinapos na ng Senate Justice Committee ang imbestigasyon sa mga kaso ng EJK.

Sa anim na pagdinig na naganap, patunay lamang aniya ito na umiiral pa rin ang “rule of law” sa bansa.

Sa Lunes, nakatakdang ilabas ng Senado ang committee report ukol sa naganap na EJK hearings.

Read more...