FVR, hindi kasama sa China trip ni Pangulong Duterte
Hindi kasama si dating Pangulong Fidel Ramos sa nakatakdang biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China sa October 18 hanggang 21.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, nagkausap sila ng dating pangulo noong Sabado at nagsabing hindi siya makakasama sa China trip ng pangulo.
“Noong nag-usap po kami ni former President Fidel V. Ramos noong nakaraang Sabado, ang sinabi niya po hindi siya sasama,” ani Andanar.
Wala naman aniyang binanggit na dahilan ang dating pangulo kung bakit hindi siya makakasama sa biyahe.
Pero ayon kay Andanar, maaaring nirerespeto lamang ni Ramos si Duterte.
Paliwanag ng kalihim, kapag dalawang lider ang nagtungo sa China, maaaring mahati lamang ang atensyon.
“Hindi niya sinabi iyong dahilan kung bakit hindi siya sasama pero I believe it was about giving respect to our current President Rodrigo Duterte. Sapagkat kung dalawang presidente po ang pupunta doon, siyempre, posibleng mahati iyong atensyon,” pahayag pa ni Andanar.
Agad namang nilinaw ni Andanar na si FVR pa rin ang nananatiling special envoy to China ng gobyerno at katunayan ayon sa kalihim ay kakatapos lamang ng pulong nila nitong weekend.
Matatandaang nitong nakalipas na mga araw ay inilabas ni dating Pangulong Ramos sa kanyang kolum na hindi nakamit ng ni Duterte ang kanyang target sa loob ng isandaang araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.