Matapos ang anim na pagdinig, winakasan na ng Senate committee on justice and human rights ang kanilang imbestigasyon sa umano’y mga kaso ng extra judicial killings o EJK sa gitna ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate justice panel, mayroon na silang nakuhang sapat na impormasyon ukol sa mga kaso ng EJK sa bansa.
Sinegundahan agad ito ni Sen. Panfilo Lacson na siyang nagmosyon na tapusin na ang naturang pagdinig.
Sinabi ni Gordon na ilalabas nila sa Lunes ang kanilang committee report o ang naging resulta ng isinagawang imbestigasyon.
Sa mga naunang pagdinig, isa sa naging sentro ang pinalutang ni Sen. Leila De Lima na testigo na si Edgar Matobato.
Miyembro umano si Matobato ng Davao Death Squad o DDS at halos lahat ng kanyang ibinunyag ay laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi naman ikinatuwa ng ilang senador partikular na ni Sen. Manny Pacquiao ang paglutang at mga pahayag ni Matobato.
Dahil dito, nagmosyon si Pacquiao na bakantehin ang Senate Committee on Justice and Human Rights na unang pinamumunuan ni De Lima bago pa magsimula ang EJK hearing.
At sa botong 16-4-2, tuluyan nang napatalsik si De Lima bilang pinuno ng naturang komite at si Gordon ang pumalit bilang bagong chairman.
Naging sentro din sa mga pagdinig si De Lima na ilang beses binanatan ni Gordon dahil sa umano’y “material concealment” at umabot pa sa punto na nag walk-out sa pagdinig ang Senadora.
Minsan na rin nagkainitan sa isa sa mga pagdinig ang ilan pa sa mga senador tulad nina Senators Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV na umabot pa sa pagpapatayan ng mikropono.