Jasareno, nagbitiw na bilang undersecretary ng DENR

DENR
Inquirer file photo

Nagbitiw na sa kanyang puwesto si Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Leo Jasareno.

Ito ang kinumpirma ni DENR Sec. Gina Lopez matapos niyang matanggap ang impormasyong mayroon na umanong itinalaga si Pangulong Rodrigo Duterte na kapalit sa posisyon ni Jasareno.

Tumanggi naman si Lopez na idetalye kung ano ang dahilan sa pagbibitiw ni Jasareno na namumuno rin sa Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Nabatid na itinalaga ni Pangulong Duterte si Usec. Wilfredo Moncado bilang bagong MGB head.

Si Jasareno ay kabilang sa mga appointees ng nakaraang administrasyon na una nang inutusan ng pangulo na magsumite ng courtesy resignation para makapili ito ng mga opisyal na kanyang mapagkakatiwalaan.

Una nang ibinunyag ng Alyansang Tigil Mina o ATM ang umano’y midnight deal ni Jasareno kung saan inirekomenda nito kay dating DENR Sec. Ramon Paje na payagang makapag-renew ang may 40 mining companies ng kanilang permit to operate kahit ilang linggo na lamang ang nalalabi sa kanyang termino.

Read more...