Senator Sherwin Gatchalian, nasermunan ng Sandiganbayan dahil sa kulang-kulang na detalye ng mosyon

Kuha ni Isa Umali
Kuha ni Isa Umali

Nasermunan ng mga mahistrado ng Sandiganbayan 4th division ang kampo ni Senador Sherwin Gatchalian, na sumalang sa pagdinig ngayong umaga.

Partikular na ikinairita ni Associate Justice Alex Quiros kung bakit hindi kumpleto ang detalye ng very urgent motion to travel ng Senador.

Wala anilang authority to travel mula sa Senate President, itinerary at iba pa.

Sa mosyon kasi ni Gatchalian, hiling niya na makabiyahe patungong China sa darating na Sabado.

Pero ang naturang mosyon ay naihain lamang kahapon, dahil paliwanag ni Gatchalian, noong Lunes lamang siya nasabihan o nakatangap ng verbal invitation mula sa senate president.

Subalit giit ng mga Mahistrado, dapat sundin ang three-day notice rule para sa paghahain ng mosyon.

Sa gitna ng panenermon, napasalita pa si Quiros ng “That’s the worst thing that could happen to the judiciary.”

Binigyan naman ng Sandiganbayan ang kampo ni Gatchalian ng hanggang mamayang tanghali upang ayusin ang nabanggit na mosyon.

Ang prosecution naman ang binigyan ng hanggang mamayang 4:30 ng hapon para magsumite ng komento o oposisyon.

Kapag bigo ang prosekusyon na maihain ito, nangangahulugan na pumapayag sila sa biyahe ni Gatchalian.

 

 

Read more...