Pinuno ng DENR na nag-audit sa mga minahan, nag-resign
Bumaba na sa kaniyang pwesto si Senior Environment Undersecretary Leo Jasareno, na namuno sa mga audit teams ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagpa-suspinde sa 20 minahan kamakailan.
Gayunman, tiniyak naman ni Environment Sec. Gina Lopez na kahit umalis na si Jasareno, magpapatuloy pa rin ang pagsusulong ng kaniyang kagawaran na ayusin ang industriya ng minahan dito sa bansa.
Si Jasareno na direktor ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ay nag-resign bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga appointees ni dating Pangulong Benigno Aquino III na bakantehin ang kanilang mga posisyon.
Noong nakaraang linggo ay itinalaga naman na ni Duterte si Wilfredo G. Moncano bilang acting director IV ng MGB bilang kapalit ni Jasareno.
Bagaman nanumpa na si Moncano sa kaniyang bagong posisyon, mananatili pa rin siyang direktor ng MGB sa Davao, na pwesto na niya mula pa noong nakaraang taon.
Mananatili namang chief ng MGB si Environment Undersecretary Mario Jacinto, pati na rin bilang tagapangasiwa ng Environmental Management Bureau.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.