Tiniyak ni Senator Grace Poe na magpapatuloy ang kaniyang pagtahak sa ‘Daang Matuwid’.
Reaksyon ito ni Poe, matapos siyang mabanggit ni Pangulong Aquino sa talumpati nito sa Club Filipino sa pormal na pag-endorso kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas na magpapatuloy ng polisiya ng ‘Daang Matuwid’.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ng Pangulong Aquino na sa kaniyang paghahanap ng makapagpapatuloy sa tuwid na daan ay tatlong pulitiko ang kaniyang kinausap. “Sa paghahanap, kinausap ko ang mga taong maaring magpatuloy. kinausap ko ang 3 tao na sa aking pananaw ay kabalikat sa daang matuwid,” Ayon kay PNoy.
Bagaman hindi tinukoy sa kaniyang talumpati ang pangalan ng tatlong kandidatong kinausap ay hindi naman kaila na ilang ulit nang pinulong ni PNoy sina Roxas, Poe at Senator Chiz Escudero.
Sinabi pa ng pangulo na kung magkakasama-sama lang sana ang tatlo ay maituturing itong ‘matinding tambalan’.
Sa kaniyang pahayag nagpasalamat si Poe kay PNoy sa pagkunsidera sa kaniya bilang isa sa mga pulitikong maaring makapagpatuloy ng Daang Matuwid. “I thank President Aquino for considering me among those who can continue his vision for Daang Matuwid. I see this as an acknowledgement of my efforts in our shared desire to improve the lives of all Filipinos. I assure President Aquino that I will continue to walk the Daang Matuwid,” sinabi ni Poe
Nagpahiwatig din si Poe ng pagiging bukas na makipag-usap sa partido ni PNoy kaugnay sa mga programa sa pamahalaan na makapagpapatibay pa sa nasimulan ng adminsitrasyong Aquino./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.